
Hindi naging batayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagiging dating Diehard Duterte Supporters (DDS) ni RJ Nieto, o mas kilala bilang Thinking Pinoy, sa kanyang pagkakatalaga bilang Assistant Secretary ng Office of the Cabinet Secretary.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, mas mahalaga sa pangulo kung magiging asset sa gobyerno ang isang appointee at makatutulong sa mas maayos na serbisyo sa publiko.
Giit ni Castro, dapat ang puso ng isang talagang opisyal ay nasa bayan at taumbayan, at hindi sa isang tao o dating political camp.
Wala pa namang inilalatag ang Palasyo na detalye sa magiging eksaktong trabaho ni Nieto pero sinabi ni Castro na kabilang sa pangunahing tungkulin ng Cabinet Secretary ang pagtiyak na naaabot ng gobyerno ang mga Pilipino, lalo na sa malalayong lugar.










