
Iginiit ng Palasyo na hindi dapat magkaroon ng special treatment kay dating House Speaker Martin Romualdez matapos itong ilipat sa New Quezon City Jail.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, dapat pantay ang pagtrato sa lahat ng nahaharap sa kaso, mayaman man, mahirap, ordinaryong mamamayan o dating makapangyarihang opisyal.
Gayunman, binigyang-diin ni Castro na nananatiling inosente sa mata ng batas ang isang akusado hangga’t wala pang pinal na hatol ang korte.
Ang pagkakakulong aniya ni Romualdez ay alinsunod sa utos ng korte, kabilang ang rekomendasyong walang piyansa sa mga kasong kinakaharap nito.
Sa ngayon ay wala pang personal na pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa paglilipat kay Romualdez sa New Quezon City Jail.










