RAGASA TUBIG MULA SINOCALAN RIVER, LUMUSOT SA SIRANG DIKE; ILANG BAHAY SA STA. BARBARA BINAHA

Pumasok ang tubig mula sa Sinucalan River sa ilang kabahayan sa Barangay Ventenilla, Sta. Barbara, Pangasinan matapos muling lumusot ang tubig sa butas at sirang bahagi ng dike noong Agosto 8.

‎Ayon sa mga kinauukulan ng barangay, agad na nagtulungan ang mga residente sa paglalagay ng mga sandbag para mapigilan ang pagdaloy ng tubig patungo sa mga kabahayan.


‎Umabot umano sa dalawang talampakan ang taas ng tubig sa ilang bahay bago ito naagapan at nabawasan ang pagpasok.

‎Tinatayang tatlong truck ng buhangin ang inilaan para sa pag-aayos ng sitwasyon, alinsunod sa direktiba ng lokal na pamahalaan.

‎Agad ding nagsagawa ng pansamantalang remedyo ang mga residente upang mapigilan ang tubig na patuloy na pumapasok mula sa dike.

‎Ayon pa sa mga kinauukulan, matagal nang may sira ang naturang dike at pansamantala na itong inayos gamit ang mga sandbag noong nakaraang taon.

‎Ngunit dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog at malakas na ragasa ng agos, muling nakalusot ang tubig sa ilang maliliit na butas sa dike.

‎Sa ngayon, nakatulong ang mga bagong inilagay na sandbag para mabawasan ang tubig na pumapasok sa mga kabahayan.

‎Nananatiling nakabantay ang mga residente habang patuloy na tumataas ang lebel ng tubig sa Sinucalan River na sa kasalukuyan ay above critical level na. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments