KAHANDAAN SA TSUNAMI AT LINDOL, INILATAG SA DAGUPAN CITY

Nagtipon ang mga frontline responders sa Dagupan City noong Hunyo 1 para maghanda sa posibleng banta ng tsunami at iba pang epekto ng lindol kasunod ng mga naitalang offshore earthquakes sa ilang bahagi ng Pangasinan.

Batay sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), umabot sa 96 na lindol ang naitala sa karagatan ng Bolinao, habang tig-iisang pagyanig naman ang naitala sa Agno at Sison. Pinakamalakas sa mga ito ang magnitude 4.4 na lindol.

Dahil dito, inilatag ng mga awtoridad ang mga hakbang sa paghahanda sakaling magkaroon ng tsunami, kabilang ang pagpapatibay sa operasyon ng mga Community Tsunami Alerting Stations (CTAS) sa lungsod.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), may kabuuang siyam na CTAS na naka-install sa Dagupan City—tatlo rito ang mula sa PHIVOLCS at anim naman ang inilagay ng lokal na pamahalaan.

Matatagpuan ang mga alerting station sa mga baybaying barangay ng Bonuan Binloc, Bonuan Gueset, at Bonuan Boquig. Mayroon din sa mga island barangay ng Salapingao, Lomboy, at Pugaro, gayundin sa Lucao at Malimgas area.

Ang mga naturang CTAS ay mga solar-powered early warning facilities na nagbibigay ng agarang babala sa mga tao ukol sa posibleng tsunami para mabigyan ng sapat na oras ang mga residente na makalikas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments