
Mahigpit na babantayan ng House of Representatives ang imbestigasyon ng Department of Agriculture sa walong farm-to-market road (FMR) projects na may maling coordinate o lokasyon na nakapaloob sa panukalang 2027 National Budget.
Ayon kay House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon Rep. Mark Enverga, hangad ng Kamara na mapanagot kung sino ang may kagagawan ng nabanggit na mga pagkakamali at matiyak na hindi na ito mauulit.
Diin ni Enverga, dapat matukoy sa imbestigasyon ng DA kung paano naipasok sa proposed 2027 national budget ang mali maling coordinates ng nabanggit na walong FMR projects.
Sabi ni Enverga, dapat maging daan ang imbestigasyon para mailatag ang nararapat na hakbang upang matiyak na hindi muling mangyayari ang ganitong problema.
Una rito ay inamin ng DA na walo lang sa 1,669 farm-to-market road projects na kasama sa National Expenditure Program ang may pagkakamali dahil sa encoding errors at maling pag-type ng mga digits o numero.









