
Ibinahagi ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Senator Ronald “ Bato “ Dela Rosa, na may nakuhang impormasyon ang kasamahan nila na wala sa listahan ng Red Notice ng Interpol ang nasabing senador.
Ayon kay Torreon, walang basehan ang pinaigting na pag-aresto kay Dela Rosa dahil wala ang kaniyang kliyente sa nasabing listahan.
Ayon sa abogado ni Dela Rosa, hindi umano maaaring gamiting batayan ang Section 17 ng Republic Act 9851, dahil walang malinaw na rules of procedure kung paano isusuko sa International Criminal Court (ICC) ang isang tao, gaya ng kung saang korte maaaring dumulog ang senador.
Kaugnay nito, inamin naman ng abogado ni Dela Rosa na sa kabila ng ulat na wala sa listahan ng Interpol ang kaniyang kliyente, sinabi nito na hinihintay nila ang pormal na sertipikasyon ukol dito.
Samantala, sinabi pa ni Torreon na wala na silang komunikasyon ni Dela Rosa mula pa noong Mayo, gayunpaman, naniniwala ito na nasa bansa pa rin ang nasabing senador.
Marjo Domingo, RMN Manila










