Wednesday, November 4, 2026

8 farm-to-market roads sa ilalim ng 2027 budget na mali ang lokasyon, posibleng hindi na maipatupad

Ayon sa Department of Agriculture (DA), posibleng hindi na maipatupad ang walong farm-to-market roads projects sa ilalim ng panukalang 2027 national budget na natukoy na may maling coordinates o lokasyon na nasa karagatan.

Sinabi ito ni Agriculture Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Representative Wilfrido Mark Enverga.

Paliwanag ni Manalo, nakapaloob na sa National Expenditure Program (NEP) ang nasabing mga proyekto at hindi basta-basta maaaring baguhin ang lokasyon kapag naaprubahan na ang pondo.

Pero giit naman ni House Committee on Appropriations Committee Vice Chairman at Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella, hindi pa tapos ang proseso ng pag-apruba sa pambansang budget dahil dadaan pa ito sa Kamara, Senado at bicameral conference committee at pwede ring i-veto ng pangulo.

Bunsod nito ay binigyang-diin ni Fuentebella, na may mga pagkakataon pa para itama ang mga mali sa loob ng pambansang budget para sa susunod na taon.

Diin pa ni Fuentebella, walo lang sa mahigit 1,600 na FMR projects ang nagkaroon ng pagkakamali sa lokasyon kaya “blown out of proportion” na parang lumalabas ngayon na ang buong budget o ang coordinates ng mga farm-to-market roads ay pawang mali.

Facebook Comments