KAMPANYA LABAN SA CHILD LABOR NG DOLE R1, IDINAAN SA PAMAMAGITAN NG PELIKULA

Mas pinalalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1 ang kampanya laban sa child labor sa pamamagitan ng pelikula sa ikalawang taon ng DOLEkula Uno Film Festival.

Layunin ng programa na gamitin ang kapangyarihan ng pagkukuwento upang maipakita ang tunay na kalagayan, pakikibaka, at tagumpay ng mga bata at dating child laborers sa Rehiyon Uno.

Sa pamamagitan ng mga maikling pelikula, inaasahang mas magiging mulat ang publiko sa kahalagahan ng pagprotekta sa karapatan ng mga bata at pagbibigay sa kanila ng pagkakataong makapag-aral at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

Isinagawa ang paghusga sa mga kalahok noong June 25, 2026 kasabay ng pagpupulong ng Regional Council Against Child Labor (RCACL). Lumahok sa pagsusuri ng mga obra ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga katuwang na organisasyon.

Ang DOLEkula Uno Film Festival ay bahagi ng Social and Behavioral Change Campaign Against Child Labor sa ilalim ng Philippine Program Against Child Labor (PPACL). Ayon sa DOLE Region 1, hindi lamang ito isang patimpalak kundi isa ring makabagong paraan upang maihatid sa mas maraming mamamayan ang mensahe laban sa child labor.

Matapos ang patimpalak, gagamitin ang mga nagawang pelikula bilang mga materyal sa information at service caravans, mga pulong, at iba pang aktibidad ng ahensiya upang higit pang mapalawak ang kamalayan ng publiko at mahikayat ang sama-samang pagkilos laban sa child labor.

Ang mga magwawagi sa DOLEkula Uno Film Festival 2026 ay pararangalan sa Awards Night na nakatakdang idaos sa Agosto. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments