
Nakatakdang humarap sa pagdinig sa Lunes si Ateneo de Manila University (ADMU) men’s basketball team head coach Tab Baldwin sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ito’y matapos matanggap ng ahensya ang mga dokumentong isinumite ni Baldwin kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa kanyang permit upang makapagtrabaho sa Pilipinas.
Ayon sa DOLE, natanggap ang “verified answer ad cautelam” ni Baldwin at kasalukuyan na itong sinusuri ng Office of the Secretary at Legal Service ng ahensya.
Ang pag-review ay isinasagawa alinsunod sa umiiral na mga batas, kabilang ang Article 40 ng Labor Code of the Philippines at DOLE Department Order No. 248, Series of 2025, o ang New Rules and Regulations on the Employment of Foreign Nationals in the Philippines.
Nag-ugat ang usapin sa work permit ni Baldwin matapos ang pagkamatay ng dalawang Ateneo student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, na nalunod sa isinagawang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Samantala, nadala naman na sa kanyang huling hantungan si Baterbonia sa Talacogon, Agusan del Sur noong Miyerkules, habang dumating naman sa Nigeria nitong Huwebes ang labi ni Adili para sa kanyang paglilibing.










