45 MOST WANTED PERSONS, KABILANG SA 262 NADAKIP SA OPERASYON NG PRO 1

Umabot sa 45 most wanted persons ang kabilang sa 262 indibidwal na naaresto ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa magkakahiwalay na operasyon sa buong Region 1 sa loob ng isang buwan.

Batay sa ulat ng PRO 1, kabilang sa mga nadakip na most wanted persons ang limang nasa regional level, 11 provincial level, walong city level, at 21 municipal level. Bukod dito, naaresto rin ang 217 iba pang mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa rehiyon.

Isinagawa ang mga operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng PRO 1 laban sa kriminalidad alinsunod sa layunin ng pambansang pamahalaan na palakasin ang pagpapatupad ng batas at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.

Ayon kay Police Brigadier General Jovencio S. Badua Jr., Regional Director ng PRO 1, mahalagang maiharap sa hukuman ang mga taong may nakabinbing warrant of arrest upang matiyak ang pananagutan sa ilalim ng batas.

Aniya, magpapatuloy ang mas pinaigting na operasyon laban sa mga wanted persons bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa kriminalidad at upang mapanatili ang seguridad ng publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments