Thursday, April 23, 2026

Philippine Army, kinontra ang alegasyon ng paglabag sa human rights kasunod ng engkwentro na ikinasawi ng 19 na NPA sa Negros Occidental

Kinontra ng Philippine Army ang alegasyon na lumabag umano sa human rights ang militar matapos ang naganap na engkwentro na ikinasawi ng 19 na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Toboso, Negros Occidental.

Nabatid na may mga kumakalat sa social media na pawang mga researcher, journalist, student leader, at social worker ang nasawi umano sa nasabing engkwentro.

Sa inilabas na pahayag ni Philippine Army Spokesperson Colonel Louie Dema-ala, sinabi nito na mahalaga ring tanungin kung bakit nasa mismong encounter site, armado, at nakikipagbarilan sa mga sundalo ang mga nasabing nasawi.

Ayon kay Dema-ala, ito ay kritikal na detalye sa pag-unawa sa insidente.

Dagdag pa niya, ipinapakita lamang ng mga tropa ang kanilang katapatan sa tungkulin at sila ay sumusunod sa International Humanitarian Law na may buong respeto sa karapatang pantao.

Giit pa ni Dema-ala, kailangang maging maingat sa pagbibigay ng konklusyon at sa paninisi batay sa mga hindi beripikadong impormasyon sa social media, at ang alegasyon ng paglabag sa human rights ay isang seryosong usapin na dapat dumaan sa tamang legal at institusyonal na proseso.

Facebook Comments