
Tiniyak ni Senate President pro-tempore Win Gatchalian na hindi limitado ang pagganap niya sa kanyang tungkulin bilang acting Senate president.
Sa kabila pa rin ito ng paggiit ni Cayetano na siya pa rin ang lehitimong Senate President ng Senado.
Paliwanag ni Gatchalian, sa ilalim ng kanilang Senate rules, pinapayagan ang acting Senate president na gampanan ang role ng isang Senate President sa ilalim ng acting capacity.
Dagdag ng senador, pwede siyang lumagda ng mga dokumento sa gitna ng pagiging absent ng Senate president at maaari siyang gumanap sa mga duties ng Senate president upang hindi nabibinbin ang mga administrative issues at works sa Senado.
Sinabi rin ni Gatchalian na kakausapin niya ang execom upang sa gayon ay masigurong tuloy-tuloy ang trabaho sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Samantala, hinimok naman ng mambabatas ang mga kaibigang senador tulad ni Senator Joel Villanueva at Senator Rodante Marcoleta sa bagong minorya na makipagtulungan na para sa institusyon.
Ang apela ni Gatchalian ay para sa lahat ng mga senador dahil ang mahalaga ngayon ay buo at nagtatrabaho ang Senado.










