
Naghain ngayon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa House Committee on Ethics and Privileges ng Ethics Complaint laban kay Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nag-ugat ang kanilang reklamo sa pagpapakalat umano ni Barzaga ng mga maling impormasyon sa kaniyang mga posts at pagla-live sa social media kaugnay sa shooting incident sa Senado.
Inihalimbawa ni Matibag ang sinago ni Barzaga na pumasok ang mga tauhan ng NBI sa Senado para magsagawa ng assassination na hindi naman totoo.
Diin ni Matibag, hindi pwedeng irason ni Barzaga na ang ginawa niya ay bahagi ng kaniyang freedom of expression bilang isang Constitutional right lalo na kung kaniyang mga mensahe ay nag-uudyok ng kaguluhan.
Naniniwala si Matibag na may sapat na basehan para tuluyang matangal bilang miyembro ng Kamara si Barzaga, na dalawang beses na ring sinuspinde, dahil sa patuloy nitong pagpapakita ng behavior o asal na hindi akma para sa isang kongresista.










