
Pormal nang nagsampa ng reklamo ang ilang mga kaanak ng missing sabungeros laban sa abogado ng negosyanteng si Charlie “Atong” ang at iba pa.
Ayon sa isa sa kaanak ng mga nawawalang sabungero na si Dianne Loyola, inihain nila ang reklamong obstruction of justice laban kay Atty. Caroline Cruz.
Ito ay dahil sa pamimigay umano ng pera ng naturang abogado kapalit ng pagbaliktad sa kaso ng mga kaanak ng mga sabungero.
Nasa P20,000 kada kinsenas umano ang natatanggap ng ilang kaanak na pumanig na sa kabilang kampo.
Habang kapalit naman nito ang hindi na pagdalo sa mga pagdinig ng mga kaso laban sa itinuturong mastermind na si Ang.
Pagbubunyag pa ni Loyola, ilang kaanak pa ang pinag-swimming umano sa mismong farm ni Ang.
Kahapon nang kumpirmahin ng Justice Department na inilipat na sa Quezon City Regional Trial Court ang mga kaso laban kay Ang na dinidinig sa Lipa, Batangas; Sta. Cruz at San Pablo, Laguna.










