
Seryosong pinag-iisipan ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na sampahan ng kasong libel ang mga nasa likod ng akusasyon na tumanggap din siya ng maletang may lamang pera mula kay dating Congressman Zaldy Co.
Ayon kay Adiong, ang nabanggit na kontrobersya ay hindi na ngayon personal na pag-atake kundi nakaka-apekto na rin sa trabaho ng Senado at humahadlang sa pag-usad ng buong bansa.
Binanggit ni Adiong na noong una itong isiniwalat ng ex-marines ay hindi niya pinansin dahil wala namang katotohanan kahit pa pinayuhan siya ng mga abogado na magsampa ng kaso.
Pero diin ni Adiong, ang isyu ngayon ay hindi na lang pag-atake sa ilang indibidual kundi ginagamit na rin para i-hostage ang Senado at ilihis ang tunay na usapin ukol sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Dismayado si Adiong na nauubos sa nabanggit na kontrobersya ang oras ng Senado kaya nababalam ang pagpasa sa mga mahalagang panukalang batas na para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.










