
Iginiit ni House Prosecution Panel Spokesperson Atty. Antonio Audie Bucoy na may hangganan o limitasyon ang kapangyarihan ng Senate impeachment court.
Reaksyon ito ni Bucoy sa pahayag ni Senate President Francis Escudero na may malawak na kalayaan ang Senado, bilang impeachment court, kaugnay sa maaari nitong gawin sa Articles of Impeachment na ipinasa ng Kamara.
Diin ni Bucoy, ang awtoridad ng Senado ay dapat nakabatay sa limitasyong itinatakda ng Saligang Batas at sa impeachment rules nito.
Dagdag pa ni Bucoy, dapat nakabase rin sa konstitusyon ang sinabi ni Escudero na deskresyon ng Senado sa pagbuo ng sarili nitong patakaran.
Samantala, binanggit ni Bucoy na plano naman ng House prosecution panel, na magsumite ng mga kaukulang pleading sa impeachment court sa mga susunod na araw.