PNP at GAB, magkatuwang na lalansagin ang ilegal na sugal online

Mas pinatibay pa ng Philippine National Police (PNP) at Games and Amusements Board (GAB) ang kanilang ugnayan sa laban kontra iligal na sugal matapos selyohan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa Camp Crame.

Layon ng kasunduan na paigtingin ang operasyon, surveillance, at case build-up, lalo na laban sa mga ilegal na sugal sa online platforms na patuloy na dumarami.

Pumirma sa MOA sina PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, GAB Chairman Francisco Rivera, PNP Deputy Chief for Operations PLTGEN Robert Rodriguez, at GAB Commissioner for Operations Atty. Manuel Plaza.

Sa ilalim ng kasunduan, magpapadala ang PNP ng mga tauhan mula sa Anti-Cybercrime Group (ACG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para suportahan ang Anti-Illegal Gambling Unit ng GAB sa mga operasyon tulad ng surveillance at pagsalakay sa mga sangkot sa iligal na sugal.

Tiniyak din ng dalawang ahensya ang mas mabilis na koordinasyon sa pamamagitan ng pagtatalaga ng kani-kanilang mga focal person na mangunguna sa mabilis at epektibong aksyon laban sa mga iligal na aktibidad sa professional sports at amusement games.

Facebook Comments