
Para kay House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, mas mabigat ngayon ang tungkulin ng House Justice Committee dahil hindi lang reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang dapat nitong pakinggan.
Diin ni Ortega, nasa harap na rin nila ngayon ang mas malinaw na sigaw ng taumbayan na gusto nang matapos ang lokohan at gusto nang makita kung may totoong depensa ang Bise Presidente.
Mensahe ito ni Ortega makaraang lumabas sa Tangere survey na 88% ng mga Pilipino ang nais na humarap si VP Sara sa Senate impeachment trial.
Giit ni Ortega, ang result ng survey ay hindi lang simpleng opinyon ng iilan kundi hatol ng public conscience na sawa na sa palusot, sawa na sa pa-victim at sawa na sa style na laging may script pero walang sagot.
Punto ni Ortega, kapag ganyan na kalaki ang hiling ng taumbayan para sa pananagutan ay nakakahiya na ang isang opisyal ng gobyerno ay mas masipag pang magpaawa sa halip na magpaliwanag.










