
Nagpaalala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga maritime stakeholder at sa mga bumibiyahe sa karagatan na mahigpit na sumunod sa ipinalabas na Notice to Mariners.
Ito’y kaugnay ng isinasagawang Balikatan 2026 sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang Northern Luzon, Southern Luzon, Palawan, Visayas at Eastern Mindanao.
Ayon kay Commodore Noemie Cayabyab ang tagapagsalita ng PCG, layon ng mga hakbang na matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng military exercises at maiwasan ang insidente sa karagatan.
Pinapayuhan ang mga kapitan ng sasakyang pandagat, shipping companies, motorbanca operators, mangingisda at mga residente sa baybayin na sundin ang safety protocols.
Maigi rin na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng PCG bago magtungo sa mga lugar na saklaw ng abiso.
Hinimok din ang publiko na abangan ang mga susunod na anunsyo mula sa PCG at iwasan ang pagpasok sa mga restricted waters upang mapanatili ang kaligtasan sa karagatan at maayos na implementasyon ng balikatan.










