Sunday, October 11, 2026

Kawalan ng tiwala ni VP Duterte sa korte at pulis, nakababahala

Nakababahala para kay House Prosecution Panel Spokesperson ang Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang sinabi ni Vice President Sara Duterte na wala syang tiwala sa korte at sa pulis.

Paalala ni Adiong, si VP Duterte ay isang abogado, ikalawang pinakamataas na opisyal sa bansa at nanumpang itataguyod at ipagtatanggol ang Konstitusyon, mga batas, magsusulong ng hustisya para sa lahat at maglilingkod sa bayan.

Ayon kay Adiong, may karapatan si VP Duterte na kwestyunin ang hakbang ng mga pulis at kontrahin ang aksyon ng korte pero bilang abogado ay dapat alam nito na may tamang paraan sa ilalim ng batas para tugunan ang mga hinaing laban sa pamahalaan.

Paliwanag ni Adiong, malaki ang pagkakaiba ng pagkwestyon sa mga hakbang ng isang institusyon kumpara sa pagdeklara ng kawalan ng tiwala sa ating mga institusyon dahil hindi pabor sa kanya ang kanilang ginagawa o takbo ng mga pangyayari.

Ipinunto pa ni Adiong na kung ang Bise Presidente mismo ay nagsasabing wala na siyang tiwala sa korte at sa pulisya, ay paano niya hinihingi sa sambayanang Pilipino na patuloy na magtiwala sa kanya.

Facebook Comments