
Ikinalugod ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima na sabay ngayong umuusad ang proseso ng pananagutan para kay Vice President Sara Duterte at ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ito ni De Lima makaraang ibasura ang apela ni FPRRD sa issue ng jurisdiction sa International Criminal Court (ICC), habang patuloy ang paggulong ng impeachment proceedings laban kay VP Sara.
Ayon kay De Lima, wala ng balakid sa nalalapit na desisyon ng ICC pre-trial chamber sa confirmation of charges laban sa dating Pangulo habang patuloy namang tumitibay ang basehan ng impeachment ni VP Sara.
Diin ni De Lima, ang pag-usad ng proseso laban dating pangulo ay tagumpay para sa pamilya ng mga biktima, sa mga naulila na matagal nang naghahangad ng hustisya.
Buo naman ang tiwala ni De Lima na sa harap ng mga lumalakas na ebidensya ay hindi na matatakasan ni VP Sara ang pananagutan.










