Wednesday, April 29, 2026

Mga pamilyang nakakaranas ng gutom at itinuturing ang sarili bilang mahirap, nananatiling mataas — OCTA survey

Bahagyang nabawasan ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na itinuturing ang sarili bilang mahihirap.

Batay sa inilabas na 1st Quarter Tugon ng Masa nationwide survey ng OCTA Research, nasa 9.2 million na pamilya ang nagsabing mahirap sila, mas mababa ng 600,000 mula sa 9.8 million noong Disyembre ng nakaraang taon.

Tumaas naman nang bahagya ang self-rated hunger incidence ngayong unang quarter ng 2026 sa 4.5 million mula sa 4.2 million noong December 2025.

Bagama’t nakitaan ng pagtaas, sinabi ng OCTA na hindi ito gaanong ramdam at pasok pa rin sa margin of error ng survey.

Ayon pa sa datos, 82 porsyento ng mga pinaka-apektadong pamilya ang nagsabing madalang lamang silang makaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan.

Lumabas din sa resulta na nananatiling pangunahing dahilan ng kahirapan at food insecurity ang regional inequality, matapos maitala sa Mindanao ang pinakamataas na self-rated poverty at food poverty.

Sa kabuuan, bagama’t may pagbaba sa bilang ng mga nagsasabing mahirap sila, nananatiling exposed ang mga ito sa price shocks, partikular sa pagkain at transportasyon.

Ipinunto rin ng OCTA na isinagawa ang survey bago ang epekto ng pagsipa ng presyo ng mga bilihin dulot ng pagtaas ng langis sa gitna ng tensiyon sa Middle East.

Isinagawa ang survey noong March 19–25 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents edad 18 pataas, na may ±3% margin of error sa 95% confidence level.

Facebook Comments