Wednesday, April 29, 2026

House Committee on Justice, nagpasya na huwag buksan ang selyadong kahon mula sa BIR

Nagpasya ang House Committee on Justice na huwag buksan ang selyadong kahon mula sa BIR na naglalaman ng income tax returns ni Vice President Sara Duterte at mister na si Atty. Manases Carpio.

38 ang mga kongresistang miyembro ng komite na komontra na buksan ang naturang kahon, 6 ang nais na ito ay buksan at walang nag-abstain sa pagboto.

Bago ang botohan ay nagpahayag ng magkakasalungat na posisyon ang mga committee members hinggil dito.

Giit nina Representatives Leila De Lima, Lorenz Defensor, Jude Acidre Antonio Tinio, Sara Jane Elago at Renee Co, buksan ang kahon upang malantad ang mga impormasyon o ebidensya na may kaugnayan sa mga alegasyong nakapaoob sa impeachment complaint laban kay VP Sara.

Ang pagbubukas sa kahon anila ay alinsunod sa mandato ng Kamara na isulong ang pananagutan at ilantad ang katotohanan.

Kontra naman na buksan ang kahon mula sa BIR sina Representatives Benny Abante, Joel Chua, Janette Garin, David Pascual, Brian Poe, Ann Matibag, Jay jay Suarez, Janice Degamo, Lordan Suan at Chel Diokno.

Para sa naturang mga kongresista mas mainam na ipaubaya na sa Senate Impeahment Court ang pagbubukas sa nabanggit na kahon.

Dapat din anila silang maging maingat lalo’t may tinutukoy ang BIR na batas kung bakit hindi basta-basta maaaring isapubliko ang impormasyon ukol sa mga taxpayers.

Facebook Comments