
Ipinadi-disqualify ng poll watchdog na Kontra Daya ang isang party-list na tumatakbo ngayong midterm elections.
Ayon kay Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, hindi naman totoong kumakatawan sa marginalized sector ang tatlong nominee ng Samahan ng mga Maninindang Pilipino o Vendor’s Party-list.
Ipinakakansela rin ng grupo ang registration nito upang hindi na payagang maiproklama sakaling makakuha ng pwesto sa halalan.
Bukod sa Vendor’s Party-list, may iba pang pinag-aaralang sampahan ng disqualification case ang Kontra Daya.
Sa panig naman ng Commission on Elections (Comelec), sinabi ni Chairman George Erwin Garcia na hindi kailangang maging miyembro ng partikular na sektor ang isang nominee upang mairepresenta ito.
Alinsunod na rin aniya ito sa desisyon noon ng Korte Suprema kung saan sapat na ang pagkakaroon ng adbokasiya para sa isang sektor.