
Dapat paagahin ng Senate impeachment court ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte kung magkakaroon ng adjustment dahil sa mga ibang pagdinig na isasagawa ng Senado.
Ito ang iginiit ng House Prosecution Panel kasunod ng posibleng pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado kaugnay sa flood control anomaly.
Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Lead House Prosecutor Rep. Gerville Luistro na dapat paagahin ang impeachment at hindi patagalin kung may iba itong schedule na masasagasaan.
Nakasaad aniya sa Saligang Batas na hindi lamang ang pag-convene bilang impeachment court ng Senado ang kailangang forthwith o agad-agad.
Kabilang na raw dito ang mismong impeachment trial, paglalatag ng mga ebidensiya at ng mga testigo.
Sinabi ni Luistro na kung magkakaroon ng pagbabago sa orihinal na petsang July 6 ay dapat mas maging maaga ito.
Sa ngayon, nakatuon pa rin aniya ang 11 miyembro ng prosekusyon sa paghahanda at pagganap sa kanilang tungkulin.
Umaasa naman ang house prosecutors na matutuloy ang pre-trial conference sa June 15 at ang mismong trial sa July 6.
Ngayong araw ang last day ng pagsagot ni VP Sara sa mga articles of impeachment laban sa kaniya sampung araw matapos padalhan ng writ of summons ng Senate impeachment court.










