
Inaaksyunan na ng Korte Suorema ang petisyon kaugnay sa pagharang ng ilang kumpanya sa pagpapatupad ng umento sa minimum wage sa Metro Manila.
Ayon sa SC, binigyan ng sampung araw ang Readycon Trading and Construction Corporation, R-II Builders, Inc., at Alliance of Philippine Fishing Federations, Inc. na magkomento sa petition for certiorari and prohibition na inihain ng Kamanggagawa Party-list.
Hinihiling ng petitioners na ipawalang-bisa ang kautusan ng Regional Trial Courts (RTCs) ng Pasig City at Navotas City na nagresulta sa hindi pag-impelementa ng P85 na dagdag sa minimum wage ng mga mangaggawa sa National Capital Region (NCR).
Nakapaloob din sa petisyon ang panawagan sa Kataas-taasang Hukuman na pigilan ang mga RTC sa pagdinig sa mga naturang kaso.
Samantala, binigyan din ng Supreme Court ng 10 araw ang Regional Wage Board ng NCR at National Wages and Productivity Commission para magbigay ng komento sa naturang petisyon.
Hindi pa naipapatupad ang wage hike matapos pagbigyan noon ng korte ang hiling na status quo ante order, temporary restraining order, at writ of preliminary injunction.










