LALAKING NANIRA NG KAGAMITAN SA RAMON, MAHAHARAP SA PATUNG-PATONG NA KASO

CAUAYAN CITY- Arestado ang isang lalaki matapos mahuling naninira ng bahay at masamsaman ng hindi lisensyadong baril sa Brgy. Ambatali, Ramon, Isabela.

Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Freddy”, nasa wastong edad, at residente ng nasabing lalawigan.

Ayon sa ulat ng PNP Ramon, nakatanggap ng tawag ang kanilang hanay mula sa isang Punong Barangay hinggil sa hindi pa nakikilalang lalaki na pumasok sa bakuran ng mga biktima at sinisira ang kanilang mga tahanan.


Agad na tumugon ang mga ito sa lugar at naabutan ang suspek na winawasak ang bintana at pintuan ng bahay gamit ang isang piraso ng kahoy at iba pang matitigas na bagay.

Nang sinita ang suspek, sa halip na sumunod ito ay minura niya pa ang kapulisan dahilan upang ito ay arestuhin.

Agad namang nagsagawa ng body search ang mga otoridad at narekober sa kanya ang isang (1) caliber . 45, na may kasamang magazine na may walong (8) live ammunition rounds, isang (1) extra magazine na may dalawang (2) bala, at Philippine Army CAFGU ID.

Dinala ang suspek sa himpilan ng Ramon Police Station at mahaharap sa kasong Unjust Vexation, Disobedience to an Agent of a Person in Authority, Malicious Mischief at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at BP 881 na may kaugnayan sa COMELEC Resolution No. 11067 (Omnibus Election Code).

Facebook Comments