
Patuloy ang paghahatid ng LANDBANK ng ayuda at mahahalagang serbisyo upang makatulong sa pagbangon ng mga komunidad sa Mindanao na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol noong nakaraang buwan.
Umaabot sa 1,500 relief packs at 75 portable water filtration units ang ipinamahagi ng LANDBANK sa mga residente ng Malapatan, Maasim, at Glan noong June 24 at 25. Naging posible ito sa pamamagitan ng boluntaryong donasyon ng mahigit 15,000 empleyado ng LANDBANK sa ilalim ng kanilang Volunteerific Program, ang flagship corporate social responsibility initiative ng Banko.
Naglaan din ang LANDBANK ng ₱3.4 milyong financial assistance para sa 19 na apektadong local government units o LGUs bilang suporta sa relief operations at iba pang agarang pangangailangan.
Upang matiyak ang tuloy-tuloy na access sa mga serbisyong pinansyal, agad ding nag-deploy ang LANDBANK ng Mobile Branch at Mobile ATM sa Alabel, Glan, at General Santos City. Mahigit 10,800 transaksiyon na ang naiproseso para sa cash withdrawals, fund transfers, at iba pang over-the-counter banking services.
Sa kabila ng pinsala sa imprastraktura, nakipag-ugnayan din ang LANDBANK sa Philippine Coast Guard o PCG upang maihatid ang kinakailangang cash sa Glan matapos gumuho ang isang pangunahing tulay, upang matiyak ang tuloy-tuloy na access sa pondo ng mga LGU, negosyo, at residente.
Nanatili ring operational ang mga digital banking channels ng LANDBANK tulad ng Mobile Banking App, iAccess, weAccess, at Link.BizPortal. Mayroon ding libreng withdrawals sa mga ATM ng 7-Eleven sa rehiyon upang mas mapadali ang pagkuha ng pera ng mga kliyente.
Ayon kay LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz, patuloy na palalakasin ng LANDBANK ang suporta nito sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at mga sektor ng agrikultura, pangingisda, at maliliit na negosyo.
Kasabay nito, ipinatutupad din ng LANDBANK ang iba’t ibang financing at relief measures tulad ng:
- CARES PLUS – Financing para maibalik at maipagpatuloy and operasyon ng mga magsasaka, mangingisda, at negosyo.
- EasyCash for Emergencies – Puwedeng gawing cash ang available credit limit para may agarang magamit sa oras ng pangangailangan.
- Electronic Salary Loan (eSL) – Salary at emergency loan para sa mga government employee at payroll account holders.
- PeER Loan Facility – Pautang na ₱20,000 hanggang ₱100,000 para sa mga pensioner at qualified government employees na may account sa LANDBANK.
- Regulatory relief measures – Hanggang anim (6) na buwang grace period, deferred obligations, at loan restructuring para sa mga borrower sa calamity-declared areas.












