Kinumpiska ng Dagupan City Police Office ang tatlong computer units na ginagamit umano sa ilegal na operasyon ng Pisonet sa Barangay Pantal, Dagupan City.
Isinagawa ang operasyon noong Oktubre 4, 2026 ng mga tauhan ng Police Station 1 sa pangunguna ni Station Commander PCPT Christopher E. Agnote, katuwang ang mga opisyal ng Barangay Pantal.
Isinagawa ang verification operation matapos makatanggap ng ulat na nagpapatuloy umano ang operasyon ng Pisonet kahit na dati nang inisyuhan ng closure order.
Sa isinagawang inspeksyon, natukoy ng mga operatiba na patuloy ang operasyon at anim na indibidwal ang nasa loob ng establisimyento na naglalaro ng video games.
Apat sa mga ito ay menor de edad habang dalawa naman ang nasa hustong gulang.
Agad na kinumpiska ng mga pulis ang tatlong computer units na ginagamit sa operasyon.
Isinailalim ang mga ito sa dokumentasyon at dinala sa Police Station 1 sa Arellano Street, Barangay Pantal, para sa safekeeping at kaukulang disposisyon.
Dinala rin sa Barangay Hall ang lahat ng indibidwal na nadatnan sa lugar.
Ang apat na menor de edad ay ini-turn over sa kani-kanilang mga magulang o guardian, habang binigyan naman ng kaukulang babala ang dalawang nasa hustong gulang hinggil sa pagsunod sa lokal na ordinansa.
Isinagawa ang operasyon alinsunod sa City Ordinance No. 2383-2026, na nagbabawal sa ilegal na operasyon ng Pisonet sa lungsod.
Binigyang-diin naman ni Dagupan City Police Office City Director PCOL Arnold P. Solomon ang patuloy na pagpapatupad ng mga lokal na batas upang maprotektahan ang kabataan at mapanatili ang kaayusan sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










