Nagbigay ng paalala ang pamahalaang lokal ng Mapandan sa mga magsasaka at residente sa Barangay Pias hinggil sa mga itinalagang drying area na maaaring gamitin sa pagpapatuyo ng mga produktong agrikultura upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa mga pampublikong lugar.
Ito ay matapos makatanggap ng reklamo ang pamahalaang bayan kaugnay sa pagpapatuyo ng mga butil ng mais sa konkretong dike sa Barangay Pias.
Agad namang rumesponde ang mga kawani ng Local Government Unit (LGU) upang tugunan ang nasabing usapin.
Ipinaliwanag sa mga ito na may mga nakatalagang lugar para sa wastong pagpapatuyo ng mga ani upang maiwasan ang abala at panganib sa mga pampublikong daanan.
Naging maayos naman ang usapan at kusa umanong pumayag ang may-ari ng mga butil ng mais na ilipat ang kanyang produkto sa tulong ng rescue vehicle ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Nagpunta rin ang ilang opisyal upang higit pang maipaliwanag ang kahalagahan ng paggamit ng mga wastong drying facilities.
Ayon sa LGU, may mga opisyal na drying areas na maaaring gamitin ng mga magsasaka sa Barangay Pias tulad ng dulong bahagi ng konkretong dike, Farm-to-Market Road sa kahabaan ng Santol St. Extension, Basketball court sa Santol St., at Basketball court sa Lucban St.
Ipinaalala rin ng pamahalaang bayan na ipinagbabawal ang paggamit ng mga pampublikong kalsada at right of way bilang drying area alinsunod sa Presidential Decree No. 17, Section 23. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣




