
Bukas si Senator Kiko Pangilinan na tanggapin ang alok na maging Senate impeachment manager para sa inaasahang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Pangilinan, pinag-iisipan pa niya ang suhestyong ito dahil hindi pa naman ito naisasapinal at dedesisyunan pa ng mayorya ng mga senador.
Paliwanag naman ng mambabatas, ang magiging papel kung sakali ng impeachment manager ay ang magpanatili ng orderliness o kaayusan sa impeachment trial.
Inihalintulad ito ni Pangilinan sa isang court administrator na nakatutok sa mga administrative matters na kailangang tugunan bago magpatuloy sa aktwal na trial.
Ipinunto ni Pangilinan na wala pa sa rules na ipapatupad sa impeachment ang pagkakaroon ng impeachment manager at pag-aaralan pa kung kailangang amyendahan ang rules dito.










