
Hindi maaaring makialam ang hudikatura sa paggamit ng Mababang Kapulungan ng Constitutional rights nito para hakawan ang proseso sa impeachment.
Ito ang laman ng desisyong inilabas ni Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 81 Presiding Judge Madonna Echiverri na nagbabasura sa petisyong inihain ni Atty. Manases Carpio para sana pigilan ang impeachment laban sa misis niyang si Vice President Sara Duterte.
Sa limang pahinang desisyon, iginiit ni Judge Echiverri na ang Kamara lamang ang may eksklusibong kapangyarihang mag-initiate ng impeachment alinsunod sa Article 11 ng Konstitusyon at lehitimo ang pag-isyu ng subpoena ng House Committee on Justice.
Ibinasura rin ng korte ang hiling na Writ of Preliminary Injunction at ang mosyong kilalanin ang mga balita at YouTube video, na tinawag na “hearsay” evidence, at walang probative value.
Dagdag pa ng QC RTC, wala itong hurisdiksyon dahil co-equal branch nito ang Kongreso kaya sa Kataas-taasang Hukuman dapat isinampa ang kaso.
Ang desisyong ito ng lower court ay matapos pagkaisahan ng House Committee on Justice para i-impeach si VP Duterte at aprubahan ang articles of impeachment para ipasa sa plenaryo, na inaasahang pagbobotohan sa darating na May 11.










