
Isinusulong sa Senado ang Senate Bill 2134 na layong gawing libre at may lifetime validity na ang mga PWD Identification Cards para sa mga kwalipikadong may permanenteng kapansanan.
Iginiit ni Senator Mark Villar na may-akda ng panukala na huwag nang dagdagan pa ang paghihirap na nararanasan ng mga PWDs o persons with disabilities.
Sa record ng National Council on Disability Affairs (NCDA), mahigit 2.5 milyong Pilipino na ang rehistradong PWDs sa bansa.
Gayunman, marami pa rin sa kanila ang nakararanas ng hirap sa pagkuha ng mga benepisyo at serbisyo ng pamahalaan dahil sa mga problema sa registry system at paulit-ulit na rekisito sa dokumentasyon para mag-renew ng ID kada limang taon.
Sa ilalim ng panukalang batas, hindi na kinakailangang mag-renew kada limang taon ang mga PWD na may permanenteng kapansanan, at titiyakin ding libre ang pagkuha ng lifetime-validity PWD IDs.
Kailangan ding sertipikado ng Municipal o City Health Office at beripikado ng Local Social Welfare and Development Office ang nakadeklara na permanent disability.










