Saturday, April 18, 2026

Libreng sakay sa mga pasaherong posibleng maapektuhan ng tigil-pasada, alok ng NBI

Umalalay na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga pasaherong posibleng maapektuhan ng tigil-pasada ngayong araw.

Nagpatupad ang ahensiya ng “Libreng Sakay” program kasabay ng nagpapatuloy na transport strike sa Metro Manila na inaasahang magtatagal hanggang bukas.

Apat na shuttle buses ang inilatag ng NBI, na may kapasidad na tig-28 pasahero, upang magsilbi sa mga pangunahing ruta ng mga jeepney.

Layunin ng programa na matulungan ang mga apektadong commuter at matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe sa gitna ng kakulangan sa pampublikong transportasyon.

Isasagawa ang libreng sakay mula ngayong araw hanggang bukas, Biyernes, April 17, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Kabilang sa mga rutang dadaanan ang biyahe mula Philcoa hanggang Lawton via Quezon Avenue, at mula Monumento hanggang Pasay Rotonda sa pamamagitan ng Rizal Avenue.

Tiniyak ng NBI na magiging maayos at ligtas ang operasyon ng kanilang libreng sakay upang mapagsilbihan ang publiko sa gitna ng transport disruption.

Hinikayat din ng ahensiya ang publiko na maging disiplinado at makiisa upang mapanatili ang maayos na daloy ng biyahe.

Ang tatlong araw na tigil-pasada ng transport group na MANIBELA ay kaugnay pa rin ng nararanasang krisis sa langis bunsod ng giyera sa Middle East.

Facebook Comments