Liderato ng Kamara, kinondena ang panibagong pangha-harass ng China sa WPS

Mariing kinondena ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang panibagong pangha-harass ng Chinese Coast Guard (CCG) sa tatlong bangka ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea.

Para kay Speaker Romualdez na ang pag-atake sa mga bangka ng BFAR na Datu Sanday, Datu Bankaw, at Datu Tamblot na nasa isang humanitarian mission ay ikinokonsiderang paglabag sa international norms at direktang humahamon sa soberanya at karapatan ng Pilipinas.

Ipinaalala ni Speaker Romualdez sa international community na ang Bajo de Masinloc ay nasa loob ng 370 kilometrong exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas na pinagtibay ng 2016 arbitral ruling, na hindi pinapansin ng China.


Kasabay nito ay nagpahayag ng pagkadismaya si Speaker Romualdez sa ginawang pagtutol ng China sa House Resolution 1494 na pinagtibay ng House of Representatives na tumutuligsa sa iligal na aksyon nito sa WPS.

Sa nabanggit na resolusyon ay nakapaloob din ang paghikayat ng Kamara sa gobyerno na ipagpatuloy ang ginagawa nitong pagdepensa sa teritoryo ng bansa at paggiit na sundin ang 2016 arbitral ruling.

Facebook Comments