
Muling nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa mga public transport operators na ugaliing ipaalala sa kanilang mga drayber na maging pasensyoso at disiplinado para mkaiwas sa gulo at hindi madamay ang authority to operate ng kanilang public utility vehicle o PUV.
Kasunod ito ng pag-iisyu ng Show Cause Order ng ahensya laban sa operator ng PUV ng Gardenia Kapit-Bisig Multi-Purpose and Transport Service Cooperative na nasangkot kamakailan sa pagiging agresibo at mainitin ang ulo sa isang pampublikong kalsada sa Marikina City.
Mariing giit ni Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., paulit-ulit na silang nagpapaalala sa mga motorista na walang maidudulot na maganda sa mga motorista ang mga pagiging agresibo at mainitin ang ulo sa kalsada.
Sa viral video sa social media, makikita na nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng drayber ng jeep at pampribadong sasakyan sa kalsada sa Marikina na nagresulta ng pagkakaroon ng mabigat na daloy ng mga sasakyan at nakaapekto pa sa oras ng mga pasahero ng jeep.
Patuloy naman na iniimbestigahan ng ahensya ang naturang insidente, na sinasabing lumabag sa probisyon ng Certificate of Public Convenience.










