
Iniimbestigahan na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng isang Nissan Navara Pick-Up na sangkot sa malagim na insidente na naganap sa Visayas Avenue, Quezon City, madaling araw ng Mayo 20, 2026 na ikinasawi ng isang pedestrian.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), binabagtas ng naturang sasakyan ang Visayas Avenue mula Elliptical Road patungong Congressional Avenue ng bandang alas-4 ng umaga nang mabangga nito ang isang pedestrian na nakaupo sa pinangyarihan ng insidente.
Patuloy na umabante ang nasabing pick-up at sumalpok sa isang signage at isang vendor.
Dahil dito, ang mga biktima ay agad na isinugod sa ospital ngunit kalaunan ay nasawi ang lalaking nakaupo, habang sugatan naman ang vendor at kasalukuyang nilalapatan ng lunas.
Kaugnay nito, inatasan ng LTO na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa LTO Central Office sa Mayo 25, 2026, ng alas-3 ng hapon, ang rehistradong may-ari ng sasakyan at ang drayber nito upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga kasong administratibo na “Reckless Driving” at “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”
Samantala, inilagay na sa ilalim ng alarm status ang parehong lisensya ng drayber at ang sangkot na sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng ahensya.










