
Inilabas na ng Presidential Communications Office (PCO) ang mga video clip na nagpapakita sa umano’y paglabas ng Senado nina Senador Robin Padilla at Senador Ronald “Bato” dela Rosa at pagsakay sa isang puting SUV noong madaling araw ng May 14, 2026.
Batay sa mga kuha mula sa CCTV ng Senado, makikitang naglalakad patungo sa exit ang isang lalaking naka-barong na sinasabing si Padilla, kasunod ang isang babaeng naka-sumbrero na may dalang kulay asul at berdeng bag.
Kasunod naman ng babae ang isang lalaking naka-asul na jacket at sumbrero na tinutukoy na si Dela Rosa, habang may isa pang lalaking sumusunod sa likuran.
Sa isa pang video clip, makikita ang mga indibidwal na tinukoy ng CIDG na sina Padilla, Dela Rosa at ang babaeng may dalang mga bag habang palabas ng gusali ng Senado.
Sa hiwalay na footage, nakuhaan din ang isang puting SUV na nakaabang sa labas, kung saan nagmamadaling sumakay ang tatlong indibidwal bago tuluyang umalis sa Senate premises ang sasakyan.
Nangyari ito ilang oras matapos ang gun related incident sa pagitan ng mga Senate security personnel at mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng Senado noong gabi ng May 13.
Ayon sa PCO, bahagi ang mga video clip sa mga ebidensiyang isinumite ng PNP-CIDG sa Department of Justice (DOJ) para sa validation.










