Pinaigting ng Land Transportation Office o LTO Region 1 ang kampanya para sa ligtas na pagbibiyahe ngayong Undas 2026, kasabay ng pagdami ng mga motorista at pasahero.
Sa paglahok nito sa Kapihan sa Ilocos na pinangunahan ng Philippine Information Agency noong Oktubre 29, ipinaliwanag ng LTO ang pagpapatupad ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026 na nagsimula noong Oktubre 23 at magtatapos sa Nobyembre 4.
Kabilang sa mga hakbang ang inspeksiyon sa mga sasakyan at terminal, pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police, at pamamahagi ng information materials para sa responsableng pagmamaneho at pagsunod sa batas-trapiko.
Layon ng programa na maiwasan ang mga aksidente at matiyak ang mas ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero at motorista sa panahon ng Undas.
Paalala ng LTO sa mga bumibiyahe na siguraduhin ang maayos na kondisyon ng sasakyan, maging responsable sa pagmamaneho, at laging sumunod sa mga batas-trapiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










