Nasamsam ng mga pulis ang nasa ₱408,000 na hinihinilang shabu mula sa isang 30-anyos na tattoo artist sa isinagawang buy-bust operation sa San Carlos City, Pangasinan noong October 29.
Pinangunahan ng Provincial Police Drug Enforcement Unit o PPDEU ng Pangasinan Police Provincial Office ang operasyon, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya, Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, at San Carlos City Police Station.
Nakumpiska sa suspek ang tatlong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 60 gramo.
Narekober din ang isang limandaang pisong buy-bust money, 12 pirasong boodle money at isang itim na motorsiklo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PPDEU ang suspek para sa dokumentasyon at paghahanda ng mga kinakailangang papeles para sa inquest proceedings.
Nakatakdang isampa laban sa kaniya ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office sa pamumuno ni Police Colonel Dennis L. De Leon, patuloy nilang paiigtingin ang mga operasyon laban sa ilegal na droga upang matugis ang mga sangkot sa ilegal na kalakalan nito at mapanatili ang kaligtasan sa mga komunidad sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







