
Madadagdagan ang lupa ng gobyerno oras na mapatunayang ilegal ang mga titulo ng mga ari-ariang nasa gilid ng Laguna Lake sa Taguig City.
Ito ang sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano matapos na sabihin ni Senator Ping Lacson na may apat na parsela ng lupa ang umano’y may kwestyunableng titulo, kabilang ang isang 181,077-square-meter na ari-arian na sakop ng titulong nagmula sa isang homestead patent.
Sinabi ni Cayetano sa gitna ng isang event na umaasa siyang totoo nga ito dahil kung talagang ilegal ay mapupunta sa gobyerno ang lupang ito na nasa 18 ektarya.
Bukas din ang senador sa balak na pagsusuri sa mga titulo ng lupa sa lungsod lalo’t matagal na rin naman itong gustong masuri ni Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Mariin namang itinanggi ni Cayetano ang alegasyon ng umano’y illegal reclamation sa Lakeshore Tent at hindi rin totoo na kinamkam nila ito.










