Monday, August 31, 2026

P3.713 billion na pondo ng bayan, nasayang dahil sa illegal reclamation project sa Laguna Lake

Tinukoy ni Senator Ping Lacson na nasayang ang P3.713 billion na pondo ng bayan dahil sa ilang mga proyekto na “illegal reclamation” ng Laguna Lake na sakop ng Taguig City.

Sa post ni Lacson sa kanyang X account, tinukoy niya na umabot na sa nasabing halaga ang nasayang na pera ng taumbayan dahil sa maling paggamit ng pondo.

Batay aniya ito sa mga nahalungkat na official records at imbestigasyon na ginawa ng senador at kanyang mga tauhan sa mga natukoy na tapos na at ongoing o suspended na Department of Public Works and Highways (DPWH) Flood Control and Multi-Purpose Projects na bahagi ng iligal na Laguna Lakeshore Reclamation Areas sa lungsod ng Taguig.

Ipinunto ni Lacson na hindi pa kasama sa P3.713 billion ang mga maanomalyang slope protection at flood mitigation projects sa kahabaan ng Taguig River na nasasangkot naman sa dobleng pagpopondo at ghost projects matapos gumamit ng mga recycled na larawan para sa iba’t ibang nakumpletong proyekto para makapaningil.

Batay sa mga opisyal na rekord at sa imbestigasyon niya at ng kanyang grupo, sinabi ni Lacson na kabilang sa “Top 5” contractors na may hawak sa mga proyektong may halagang P2.372 billion ang:

1. Dahl Construction na may limang solo projects at apat na joint venture
2. J.C. Uyecio na may apat na joint venture
3. Toughbuilt na may tatlong solo projects
4. Topnotch na may dalawang joint venture kasama ang Core Check at isa kasama ang Beam Team; at
5. GR Fervidal na may limang solo multi-purpose building projects.

Samantala, nitong linggo ay naglabas ang DPWH ng mga cease-and-desist order para mapatigil ang illegal reclamation matapos makatanggap ng direktiba mula sa Office of the President na ipinadaan sa Philippine Reclamation Authority (PRA).

Facebook Comments