Isinailalim sa Red at Yellow Alert ang Luzon Grid noong Mayo 13, 2026 dahil sa kakulangan sa suplay ng kuryente na hindi nakasabay sa mataas na demand, ayon sa pinakahuling abiso ng National Grid Corporation of the Philippines.
Batay sa datos, umabot sa 12,537 megawatts (MW) ang peak demand habang 12,447 MW lamang ang available capacity, na nagresulta sa kakulangan sa reserba ng kuryente sa grid. Naitala rin na may kabuuang 4,681.6 MW ang hindi available sa system sa nasabing oras.
Isinailalim sa Red Alert ang Luzon Grid mula 3:00 PM hanggang 8:00 PM, habang nauna itong nasa Yellow Alert mula 2:00 PM hanggang 3:00 PM at muling ibinalik sa Yellow Alert mula 8:00 PM hanggang 10:00 PM.
Ipinaliwanag na inilalabas ang Red Alert kapag hindi sapat ang suplay ng kuryente upang matugunan ang demand at ang kinakailangang operating reserve ng transmission system, habang ang Yellow Alert ay ibinibigay kapag kulang ang reserbang kapasidad para sa contingency requirements.
Patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon ng power grid upang maiwasan ang posibleng epekto sa konsumo at serbisyo ng kuryente sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣





