Wednesday, August 19, 2026

DALAWANG SITIO SA MANAOAG, MAHIGPIT NA BINABANTAYAN DAHIL SA BANTA NG EROSION

Mahigpit na binabantayan ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang dalawang sitio dahil sa posibleng erosion bunsod ng halos tatlong linggo nang sunod-sunod na pag-ulan sa Pangasinan.

Sa panayam ng iFM News noong Agosto 18, sinabi ni Manaoag Mayor Jeremy Agerico Rosario na kabilang sa kanilang minomonitor ang Sitio Candelasa sa Barangay Nalsian at Sitio Barrientos sa Barangay Inamotan, lalo na kapag nagpapatuloy ang malakas na pag-ulan.

Nakapagtala na umano ng bahagyang erosion sa isa sa mga lugar na binabantayan. Bilang preventive measure, naglagay ang lokal na pamahalaan ng mga malalaking bato o boulders upang mapigilan ang paglawak ng erosion at maprotektahan ang mga kalapit na bahagi ng sitio.

Nananatili ring activated at nakaalerto ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO, na patuloy na nagmomonitor sa sitwasyon dahil sa matagal na panahon ng pag-ulan.

Sa kabila nito, wala pang naiulat na evacuation sa dalawang sitio at wala ring naitalang pagbaha sa mga lugar na kasalukuyang mahigpit na binabantayan.

Samantala, bilang presidente ng League of Municipalities of the Philippines–Pangasinan Chapter, sinabi ni Rosario na patuloy din ang koordinasyon at pagmomonitor sa sitwasyon ng iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Kasabay nito ang pagpapatuloy ng LGSF-Financial Assistance Rice Subsidy Program para sa mga benepisyaryo sa Pangasinan.

Si LMP Pangasinan President at Manaoag Mayor Jeremy Agerico Rosario. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments