Thursday, August 20, 2026

PNP, tinitingnan ang anggulo na may motibo talagang mamaril ang shooter sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School

Lumilitaw na intensyon talaga ng shooter sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) Junior High School ang mamaril nang mangyari ang insidente noong August 18.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros, sinabi ni Zamboanga Philippine National Police (PNP) Director Col. Fidel Fortaleza na isa sa anggulong tinitingnan nila ay ang pagkakaroon talaga ng motibo ng shooter na magpasok ng dalawang matataas na kalibre ng baril sa loob ng paaralan.

Nagtataka si Hontiveros kung papaanong naipasok ng shooter sa loob ng ADZU ang mga baril at hindi ito dumaan sa security check.

Ayon kay Fortaleza, hinatid ng pickup na sasakyan ang shooter bitbit ang bag na may mga baril at sa halip na sa gate pumasok ang sasakyan na may mga security guards ay ibinaba ang estudyante sa may ramp area kung saan walang security na nakabantay.

Sinabi ni Fortaleza na ang dinaanan na rampa ng shooter ay hindi rin talaga ang gate ng school building.

Dahil dito, tinitingnan ng PNP Zamboanga ang anggulong may motibo talaga ang shooter na magdala ng baril noong araw na iyon at isagawa ang krimen.

Matapos kasing makapasok ng shooter ay dumiretso ito sa 4th floor at sa room 405 unang nagpaputok saka lumipat sa room 404 kung saan natamaan ang estudyanteng biktima na nasawi.

Kasunod nito ay umakyat ng 5th floor ang shooter at saka nagbaril sa sarili.

Sinabi ni Fortaleza na nakita ng mga pulis ang pagbaril sa sarili ng shooter habang sinisikap ng mga awtoridad na pigilan ito.

Sa ngayon ay ongoing pa rin ang imbestigasyon sa pamamaril at partikular na sinisilip ng PNP ang laman ng cellphone ng shooter.

Facebook Comments