Muling tinalakay sa Sangguniang Bayan ng Binmaley ang usapin sa mahina, minsa’y marumi, at minsang pagkaantala ng suplay ng tubig sa ilang bahagi ng bayan matapos ang kabilaang reklamo ng ilang konsyumer.
Sa ikalawang pagkakataon, pinagharap ng nakatokang komite ang kinatawan mula sa PAMANA Water at ilang residente upang direktang idulog ang problema at marinig ang solusyon sa naturang isyu.
Isa sa mga dumalong residente, si Allan Aquino mula sa Brgy. Lomboy, na umano’y napupuyat sa kakaimbak ng tubig dahil alas dose hanggang alas tres ng madaling araw lamang nagkakaroon ng suplay sa kanilang lugar.
Ayon naman sa kinatawan ng PAMANA Water, patuloy ang pagtatayo ng mga pumping stations sa iba’t-ibang bahagi ng bayan, partikular sa Brgy. Lomboy na inaasahang magiging operational na sa Hulyo.
Bukod pa rito, naninidigan ang tanggapan sa pagbibigay ng magandang serbisyo sa mga konsyumer mula sa mga isinasagawang pipelaying, replacement ng lumang linya, at pagbisita sa mga apektadong lugar upang isandaang porsyento umano na makapagbigay ng sapat na suplay sa buong 33 barangay sa bayan.
Samantala, apela naman ni Aquino na maglagak pa rin ng pangmatagalang solusyon sa isyu upang maging makatarungan ang kanilang ibinabayad sa water services. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










