Mag-amang Sakay ng Motorsiklo, Nahulog sa Ilog; Misis, Nakaligtas

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan nang pinaghahanap ng mga otoridad ang nawawalang mag-ama na nahulog sa ilog nang sila’y bumabaybay sa kalagitnaan ng Cabagan-Sta. Maria Overflow bridge na sakop ng Brgy. Mozzozzin Sur, Santa Maria, Isabela nitong madaling araw ng Linggo, Pebrero 6, 2022.

Kinilala ang mga biktima na sina Roberto Deray Sr., 45 taong gulang, laborer at anak nitong si Roberto Deray Jr., 19 taong gulang, isang estudyante habang ang misis na maswerteng nakaligtas ay nakilalang si Lucia Deray na pawang mga residente ng Barangay Catabayugan, Cabagan, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa PNP Sta. Maria, dakong alas 6:00 kaninang umaga, nang maiulat sa himpilan ng pulisya ang insidente kaugnay sa pagkakahulog sa ilog ng mag-ama na sakay ng motorsiklo.

Batay sa pahayag ni Gng. Lucia na nakaligtas sa trahedya, pauwi na sila sa kanilang bahay mula sa bayan ng Sta. Maria lulan ng motorsiklo at habang sila ay dumadaan sa nasabing tulay, nawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho ang kanyang mister.

Agad na nakatalon mula sa motorsiklo ang misis samantalang dumeretso at nahulog naman sa ilog ang motorsiklo kasama ang kanyang asawa at anak.

Nagtulong-tulong naman ang mga pulis at mga tauhan ng MDRRMC Cabagan para sa search and retrieval operation sa nawawalang mag-ama.

Facebook Comments