Brgy. Kagawad sa Cagayan, Arestado sa Pagtutulak ng Iligal na Droga

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang Barangay Kagawad sa bayan ng Buguey, Cagayan sa ikinasang drug buy bust operation ng mga operatiba ng PDEA at PNP sa Lalawigan.

Batay sa ulat ng PDEA RO2, kinilala ang tulak na Kagawad na si Chuck Relon Alariao, 33 taong gulang, may asawa at residente ng Zone 1, Minanga Weste, Buguey, Cagayan.

Kabilang rin sa listahan ng mga high value individual na drug pusher si Alariao at matagal na itong minomonitor ng PDEA.

Ikinasa ng mga operatiba ang buy bust operation nitong hapon ng Sabado, Pebrero 5, 2022 laban sa suspek kung saan positibo itong nagbenta ng iligal na droga sa poseur buyer.

Agad na dinakip ang Kagawad at nakuha mula sa kanyang pag-iingat ang isang supot na naglalaman ng mahigit isang gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800; ang marked money na ginamit sa transaksyon at isang motorsiklo.

Dinala sa himpilan ng PNP Buguey ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Facebook Comments