Thursday, November 5, 2026

Libreng sakay sa modern jeep para sa ASEAN Summit, umarangkada na ngayong araw

Umarangkada na ang libreng sakay sa modern jeepney ng Department of Tourism (DOT), Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bilang bahagi ng paghahanda ng bansa sa 49th ASEAN Summit at Related Meetings.

Magsisimula ang programa ngayong Nobyembre 5 at tatagal hanggang Nobyembre 14, 2026.

Kabuuang 30 modern jeepney ang ilalarga—15 sa SM Fairview hanggang Buendia o North Route, at 15 naman sa Sucat hanggang Baclaran o South Route.

Aarangkada ang mga libreng biyahe araw-araw mula alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-10:00 ng gabi.

Magkakaroon ng walong one-way trips ang North Route at sampu naman ang South Route.

Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, layunin ng programa na mailapit sa mga Pilipino ang ASEAN Summit hindi lamang sa pamamagitan ng promosyon kundi sa pagbibigay rin ng direktang tulong sa mga commuter.

Samantala, sinabi naman ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor, na kumatawan kay Transportation Secretary Vince Dizon, na mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya upang maging matagumpay ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit habang nagbibigay ng konkretong benepisyo sa publiko.

Bukod sa libreng sakay, tampok din sa mga modern jeepney ang mga larawan ng iba’t ibang tourist destinations sa bansa upang maisulong ang turismo ng Pilipinas sa mga delegado at bisita ng ASEAN Summit.

Facebook Comments