MAG-INA NA DALAWANG BUWAN NANG NAWAWALA, NAKAUWI NA SA TULONG NG MGA KAWANI NG BARANGAY SA CALASIAO

Reunited na ang mag-ina na dalawang buwan na palang hinahanap ng kanilang pamilya matapos silang tulungan nang mapadpad sa barangay Longos, Calasiao.

Ayon sa Facebook post ng Longos, Calasiao barangay captain na si Kap Joseph A. Uson, makikita ang isang ginang at isang bata na tila nasa dalawang taong gulang pa lamang.

Kinupkop nila ang mag-ina sa barangay hall habang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga ito.

Hindi tumigil sa pagiimbistiga ang mga kawani ng barangay at paghahanap sa mga maaring kamag-anak ng mag-ina upang ipagbigay-alam ang kalagayan ng mga ito.

Nagbunga naman ang kanilang paghahanap dahil ilang araw lamang matapos silang kupkopin, nahanap na nila ang pamilya ng mag-ina na nagmula pa pala sa Quezon City.

Agad namang nagtungo ang mga nasabing pamilya sa Calasiao upang sunduin ang mga ito at napag-alaman din na nakaranas pala ng depression ang ginang na si Cherry.

Laking pasasalamat ng pamilya dahil matapos ang dalawang buwang paghahanap ay naiuwi na sila ang mag-ina nang ligtas.

Tunay ngang sa pagpapakita ng malasakit sa ating kapwa, mas nararamdaman natin ang kagalakan sa ating mga puso. Kaya sa ano mang sitwasyon, kung kaya nating tumulong, huwag magdalawang-isip na iabot ang ating mga kamay sa mga taong nangangailangan ng karamay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments